Pansamantala munang isinara para sa publiko at para sa mga sasakyan ang tulay na nagkokonekta sa Barangay Budiong at sa Barangay Tabin-Dagat sa bayan ng Odiongan.
Dahil ito sa isinasagawang repair ng tulay at paglalagay ng tunnel para maidugtong na ang Firmalo Boulevard sa Barangay Liwanag sa Barangay Tabin-Dagat.
Ayon sa Local Government ng Odiongan, nagsimula ang pagsasara ng tulay noong June 11 at magtatagal hanggang August 19, 2019.
Dahil sa pagsasara ng tulay, nagtitiis muna ang mga residente ng Barangay Budiong at Canduyong sa pagpila para lang makasakay sa balsa na libreng nagtatawid ng mga pasahero sa Bungoy River.
Pinayuhan naman ng pamunuan ng Odiongan ang publikong dumadaan sa tulay na gamitin muna ang Barangay Road sa Sitio Bajay, Barangay Bangon at ang Provincial Road sa Barangay Canduyong mula sa Anahao bilang alternate route.
Nitong Martes, ininspeksyon ni incumbent Governor Eduardo Firmalo ang ginagawang tunnel sa Budiong Bridge.
Aniya, kapag natapos na ang proyekto ay malaking pakinabang na sa mga taga-Odiongan ang Firmalo Boulevard na isa sa inaasahang magiging tourist attraction ng bayan sa mga susunod na mga taon.
“Kapag tapos na yan, pwede kana jang mag jogging mula dagat patungong Liwanag, pwede na ring mag pwesto ang ilang nagbebenta ng pagkain sa gilid ng ilog para may mapasyalan ang publiko,” ayon kay Firmalo.