Inilunsad kahapon sa bayan ng Odiongan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Mimaropa ang paggunita ng Fire Prevention Month ngayong taon sa pamamagitan ng motorcade sa kabayananan at maikling programa sa plaza.
Ginanap ang regional kick-off ceremony sa bayan ng Odiongan sa pangunguna nina BFP Mimaropa Regional Director Supt. Roderick Aguto, Romblon Provincial Fire Marshal Supt. Farida Ymballa at Governor Eduardo Firmalo.
Nilahukan at sinuportahan din ito ng iba’t ibang national at provincial government offices, mga opisyal at empleyado ng pamahalaan, non-government organizations, communications group, ilang pribadong sektor, mga guro at estudyante mula sa iba’t ibang paaralan.
Kasama sa motorcade ang trak ng bombero (fire truck) habang pinatutunog ang sirena bilang paalala sa mga mamamayan na mag-ingat sa sunog.
Ayon kay Provincial Fire Marshal Supt. Farida Ymballa, ang paggunita ng Fire Prevention Month ay alinsunod sa Presidential Decree No.115-A, na idineklara noong 1967 sa ilalim ng pamamahala ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Aniya, layunin ng kanilang ahensiya na taon-taong paalalahanan ang buong sambayanan kung paano iwasan ang pagkakaroon ng sunog, maging ligtas ang buhay at ari-arian ng sinuman.
Ayon pa kay Supt. Ymballa, ang ilan sa pinagsisimulan ng sunog ay upos ng sigarilyo, napabayaang kandila o kaya naiwang apoy sa kalan pagkatapos magluto.
Dapat aniyang itago ang mga posporo at lighter sa mga bata, hugutin ang mga nakasaksak na appliances bago umalis ng bahay, siguraduhing walang singaw ang LPG stove, iwasan ang octopus wiring, patayin ang mga kandila bago matulog, huwag manigarilyo sa kama at laging bantayan ang niluluto.
Sa maikling talumpati ni Governor Firmalo sa naturang okasyon, kanyang sinabi na ang kaligtasan ng bawat isa laban sa mapaminsalang sunog ay nakasalalay sa ating mga kamay, maging ang kahandaan ukol dito kung kaya siguraduhin na maayos ang ating mga kasangkapan bago tayo umalis sa tahanan.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Ligtas na Pilipinas ang ating hangad, pag-iingat sa sunog sa sarili ipatupad.”