Isinagawa kamakailan ang ground breaking ng Mimaropa Regional Government Center site sa Barangay Sta. Isabel, Lungsod ng Calapan kamakailan.
Pinangunahan ang seremonya ng ‘lowering of capsule’ sa lupang pagtatayuan ng proyekto ng mga naging panauhing pandangal sa okasyon na sina National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Adoracion Navarro at Presidential Adviser for Southern Tagalog Secretary Jose Maria Nicomedes Hernandez.
Naging katuwang nila sina Oriental Mindoro Governor Alfonso V. Umali, Jr., Occidental Mindoro Governor Mario Gene Mendiola, 2nd District Representative Reynaldo V. Umali, Calapan City Mayor Arnan C. Panaligan at mga kinatawang opisyal ng iba pang mga lalawigan at lungsod ng rehiyong Mimaropa.
Ang pagtatayo ng Mimaropa Regional Government Center ay alinsunod sa Republic Act 10879 na nakasaad sa Artikulo VI, Seksyon 27 ng Konstitusyon ng Pilipinas o mas kilala sa tawag na Rehiyong Mimaropa.
Naaprubahan ang pagkakatatag nito noong Hulyo 17, 2016 sa layuning mula sa pangalang Region IV-B ay higti itong makilala sa bagong pangalan nitong Mimaropa Region. Binubuo ito ng mga lalawigan ng Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan.
Ang Regional Government Center site, na may lawak na mahigit sa 50,000 metro kwadrado ay nagmula sa pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro.
Upang maging produktibo ang bakanteng lupa na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan, minabuti ni Gob. Umali na ipagamit na ito sa naturang proyekto na ayon sa kanya’y mahalaga at kinakailangang proyektong aambag hindi lamang sa higit na pag-unlad ng lalawigang ito manapa’y sa pinapangarap niyang pagkakaisa at pagsulong pa ng Mimaropa.
Matatandaan si Gob. Umali rin ang personal na nag-inisyatiba ng paglulunsad ng Mimaropa Festival sa kagustuhan niyang magkaroon ng isang direksyon ang mga isla sa rehiyon na tinawag rin niyang One Mimaropa. Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagpuno sa kakulangan sa mga produkto at pagpapalaganap ng best practices ng bawat lalawigan at lungsod sa rehiyong ito.
Si Gob. Umali rin ang nahirang ngayon ng pamahalaang masyunal na maging Chairperson ng Regional Peace and Order Council ng Mimaropa, ang rehiyong naideklara kamakailan lamang na pumapangalawang pinakamapayapa sa rehiyon sa buong bansa.
Kinilala naman ni Sec. Hernandez ang malaking inisyatiba ni 2nd District Rep. Umali sa pagsusulong ng kaunlaran hindi lamang ng Oriental Mindoro kundi maging ng rehiyon.
Samantala, pinasalamatan naman ni Mayor Panaligan ang ginawang ito ni Gob. Umali na sinabi rin niyang 2nd wave of development ng Lungsod ng Calapan.
Sinaksihan ng Regional Directors at kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Nasyunal, Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang isa sa maituturing na pinakamahalagang gawain ngayong taon sa lalawigan. (LTC/CPRSD/PIA-Mimaropa/Calapan)