Nasungkit ng graduate ng Romblon State University – Main Campus, Odiongan, Romblon ang Top 2 sa katatapos lang na September 2017 Licensure Exam for Teachers.
Nakakuha si Dana Kaye Fallurin Fabiala ng rating na 88.60% sa nasabing pagsusulit.
Sa maikling interview ng Romblon News Network ngayong hapon kay Dana, sinabi nito na hindi niya inakala na magiging Top 2 siya dahil noong pagkatapos ng examination ay sinasabi niya na sa kanyang mga magulang na baka hindi siya pumasa dahil mahirap ang mga tanong.
“Nag-aabang po ako ng balita nang biglang tumawag sa akin ang isa sa mga taga-RSU at sinabi nga na nag-Top 2 ako sa exam. Nabigla po ako kasi wala ako nababasa sa newsfeed (Facebook) ko,” ayon kay Dana.
Si Dana, 21-taong gulang, at pangatlo sa atpat na magkakapatid ay nagtapos bilang Magna Cumlaude ngayong taon sa Romblon State University sa kursong Bachelor of Elementary Education (BEEd).
Sinabi naman ni Dana na nag-iyakan umano ang kanyang mga magulang nang maibalita sa kanila ang pagkapasa at pagiging Top 2 sa Board Exam.
“Wala na po silang nasabi, nag-iyakan na po sila bigla [ng sabihin ko],” ayon kay Dana.
Nagtatrabaho bilang isang katulong sa kanyang tuyihin ang kanyang ina na si Nina Fabiala, habang ang kanyang Tatay na si Edgar Fabiala ay nage-extra lang kung may patrabaho ang Munisipyo.
Nakatira ang pamilya ni Dana sa kanyang tiyuhin sa Poblacion na pinagtatrabahuan ng kanyang ina. Pinag-aral rin umano siya ng kanyang Tiyuihn.
“Nakikitra lang po kami sa aking tito na nagtatrabaho sa munisipyo. May maliit na bahay naman po kami kaso nasa Barangay San Agustin [bundok] pa po siya,” dagdag ni Dana.