Inirereklamo ng ilang mga consumer ng Romblon Electric Cooperative, Inc. (ROMELCO) sa tatlong bayan sa Sibuyan Island ang malimit umanong power interruption o biglaang brownout sa kanilang lugar magmula pa nitong unang araw ng Abril.
Ayon sa ilang residenteng nakausap ng Romblon News Network, minsan umano ay halos sunod-sunod na brownout ang kanilang nararanasan at umaabot pa ng halos 5 beses kada araw.
Magiging dahilan umano ang malimit na brownout ng maaring pagkasira ng kanilang mga appliances katulad ng mga refregirators.
Ayon naman kay Engr. Roy Rada, Operation Manager ng Romblon Electric Cooperative, Inc. (ROMELCO) sa Sibuyan, mga fault lines at nasunog na poste ang dahilan ng malimit na brownout sa Sibuyan nitong mga nakaraang araw.
Nitong Sunday umano, may nasunog na poste sa Barangay Azagra kaya kailangan nila mag brownout.
Hiling naman ni Engr. Rada, sana sa tuwing may clearing operation ang ROMELCO sa mga lugar na madaming puno, huwag na sana magalit ang mga may-ari kundi makipag tulungan nalang.
Dahilan umano kasi ang mga sanga ng puno kung minsan na sumasabit sa mga wires kaya nagkakaroon ng tripping sa kuryente.