Arestado ang mag-amang most wanted person ng bayan ng San Fernando, Romblon sa isang operasyon ng mga kapulisan sa Sitio Panay, Brgy. Poblacion, Calintaan, Occidental Mindoro nitong February 03, 2017.
Sa operasyon ng pinag-samang pwersa ng San Fernando MPS/Romblon PPO, Calintaan MPS/Occidental Mindoro PPO at Regional Intelligence Division (RID) Tacker Team, ay naaresto sina Perlito Francisco Tamoras aka ‘Alog’, 54-taong gulang, at si Erwin Bersaba Tamoras aka ‘Topel’, 28-taong gulang, at pawang residente ng Barangay Mabulo, San Fernando, Romblon.
Ang dalawa ay wanted sa kasong murder dahil sa pagpatay umano sa kanilang kapitbahay na matagal na nilang kaalitan, ilang taon na ang nakakalipas.
Noong November 2015 inilabas ang warrant of arrest para sa dalawa ni Judge Ramiro Geronimo sa ilalim ng Regional Trial Court Branch 81.
Ayon kay Police Senior Inspector Elmer Fajel, Chief of Police ng San Fernando MPS, naglaan sila ng effort para matukoy umano ang lokasyon ng dalawa at ng makatanggap sila ng intel na nasa Calintaan, Occidental Mindoro ang dalawa, agad silang nagsagawa ng coordination at validation kasama ang Calintaan MPS.
Ngayon nadala na sa Romblon, Romblon ang dalawang suspek at nakakulong na sa Romblon Provincial Jail.