3 araw na lang at Pasko na naman, siguradong excited na ang mga bata, kasi para sa kanila at talagang sa kanilang pakiramdam, ang Pasko ay isa na sa pinaka importanteng araw sa isang taon. Ganito man din ang aking pakiramdam noong ako'y bata pa. Hindi ko lang alam kung pareho ba ang excitement na nararamdaman ng mga batang anak-mayaman.
Bakit at papaano nga ba nagiging most exciting para sa mga bata ang araw ng Pasko?
Kung babalikan ko ang aking sariling karanasan noon, sa tuwing buwan ng Pasko kung saan magkakaroon ng mga selebrasyon sa school tulad ng Christmas Party, isa ito sa mga araw kung saan inaasahan ko sa aking mga magulang na mabibilhan ako ng bagong damit, maaaring polo shirt, o kaya ay mas masaya ako kapag pati pantalon na maong ay kasamang mabibili.
Pili lang ang mga araw o pagkakataon noon na mabibilhan ako ng bagong damit, o isang terno ng polo shirt at maong na pantalon. Ito'y ang mga araw ng Closing ceremony sa school (achievement night), tuwing piesta sa bayan kasi mura mga damit mula sa peryahan, tuwing pasukan sa school para sa bagong uniform, at tuwing Pasko.
Sa araw ng Pasko ay maraming mga kapitbahay o kakilala na may handang pagkain. Malaking bagay na rin ang at least once a year ay makakain ng mga pagkaing bihira matikman, tulad ng buko-salad at ube jam.
Syempre, may pagkakataon din na kahit papaano'y magkapera dahil sa ginagawang pagka-carol. Mabigyan ng beynte pesos ay masaya na ang grupo namin, tapos ang mga naipon ay aming paghahatian. Itatabi ko naman ang parte ko, dahil idadagdag ko ito sa pamaskong pera sa akin at ibibigay kay Nanay para itago at pambili ko ulit ng mga gamit sa school sa susunod na pasukan.
Ang pinaka exciting sa lahat – ay sa mismong araw ng Pasko. Maaga pa lang, bago pa man mag alas-sais ng umaga ay nakaligo na. Excited na isusuot ang bagong polo shirt at maong na pantalon. Kahit luma ang sapatos ay OK na, masaya na rin.
Bago pumatak ang alas-syete ng umaga ay naglalakad at nagbabahay-bahay na, kasama ang iba pang mga bata, bitbit ang supot, kadalasan yung tinatawag na ‘butas-butas' na paglalagyan ng pamasko. Kahit ano ang ibigay ay masaya na – may kendi, may sumang malagkit, tinapay na kung tawagin ay ‘aglipay' at ‘ugoy-ugoy', at ang iba ay pera – 1 peso, 2 peso, kapag medyo may kaya ang nagbigay ay 5 peso, o kaya kung kakilala at kamag-anak, minsan beynte pesos.
Pag-uwi sa hapon, kanya-kanya kaming magkakapatid na magbibilang ng mga pera na pamasko – on the average, umaabot hanggang 150 pesos ang pamaskong pera. Masaya na kami sa halaga na yan, iaabot ito sa aming Nanay upang itago – dahil ang laging sinasabi ni Nanay, iipunin at itatago ito upang may pambili ng mga gamit sa school sa susunod na pasukan.
Talaga nga namang masaya at may pag-asa sa tuwing araw ng Pasko – nagkakaroon ng mga bagong damit o laruan, o kaya ay nagkakaroon ng pera. Ito ang simpleng pang-unawa ko noong ako'y bata pa lang. Maaaring common ito sa mga batang katulad ko rin na mahirap lamang, maaaring iba ang karanasan ng mga anak-mayaman dahil wala naman akong nakikita noong mga bata na kilala kong anak ng mayaman na nasa lansangan at nagbabahay-bahay upang mamasko.
Well, okey lang ito dahil sa hindi pa naman talaga tanto ng bata ang totoong mensahe at pag-asa na dala ng araw ng Pasko. Bagamat totoong may pag-asa na dala ang araw ng Pasko – ito'y ang Buhay na Walang Hanggan na regalo ng ating Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesu-Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.
“Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” – Juan 3:16.
Si Hesus ang totoong Pag-asa na dala ng Araw ng Pasko.
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon sa lahat.


































