Kinilala ng Department of Trade and Industry (DTI) MIMAROPA ang Looc Public Market bilang Most Consumer-Friendly Public Market sa buong rehiyon para sa 2025–2026 sa ginanap na 3rd OBRA MIMAROPA Regional Trade Show 2026 sa Glorietta Activity Center sa Makati City ngayong Oktubre 22.
Bahagi ang pagkilalang ito ng programang Pamilihang Bayan ng Bidang Mamimili (PBBM) ng DTI, na naglalayong kilalanin ang mga pampublikong pamilihang nagbibigay-halaga sa kapakanan ng mamimili, sumusunod sa mga batas sa consumer protection at fair trade, at nagpapatupad ng mahusay na pamamahala.
Kabilang sa mga pamantayan sa pagsusuri ang kalidad ng mga pasilidad at operasyon ng palengke, mga hakbang sa pangangalaga sa karapatan ng mamimili, mga programang pang-edukasyon para sa mga mamimili, at mga makabagong paraan ng pamamahala. Isinasaalang-alang din ang consumer ratings, mga promotional video ng mga lokal na pamahalaan, at resulta ng aktuwal na pagsusuri sa mga pamilihan.

Kasama sa mga provincial winner sa 2025–2026 search ang San Jose Public Market sa Occidental Mindoro, Calapan City Public Market sa Oriental Mindoro, Santa Cruz Public Market sa Marinduque, at Bataraza Public Market sa Palawan.


























