Iginiit ni Sangguniang Bayan Member Lyndon Molino ang pagpapatupad ng succession rules o tuntunin sa pagpapalit sa puwesto ng bise alkalde kasunod ng pinal na hatol ng Korte Suprema laban kay Romblon Vice Mayor Mariano “Anoy” Mateo.
Sa kaniyang privilege speech sa ika-66 na regular session ng Sangguniang Bayan nitong October 21, hiniling ni Molino na isangguni sa Committee on Rules, Laws, Ethics and Accountability ang kaniyang talumpati upang mapag-aralan ang Section 44 ng Local Government Code of 1991.
Sa ilalim ng nasabing probisyon, ang miyembro ng Sangguniang Bayan na may pinakamataas na ranggo ang maaaring humalili sa puwesto ng bise alkalde sakaling magkaroon ng permanenteng bakante, alinsunod sa mga itinakda ng batas. Sa sitwasyon sa bayan ng Romblon, si Mart Arthur Silverio ang maaring sumunod sa puwesto ni Mateo.
Inilahad din niya na naglabas umano ang Korte Suprema noong Hunyo 9, 2026 ng resolusyon at Entry of Judgment sa mga kasong G.R. Nos. 238562 at 238609, na naging pinal at executory ang hatol laban sa siyam na akusado, kabilang umano si Mateo, kaugnay ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon pa kay Molino, naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest noong Setyembre 1, 2026 para sa pagpapatupad ng mga sentensiya, ngunit hindi umano natagpuan ng pulisya ang mga nahatulan sa kanilang mga tirahan sa Romblon.


























