Muling ipatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) simula Oktubre 24 upang matulungan ang mga pasahero na planuhin ang kanilang biyahe at maiwasan ang mahabang pila sa mga pantalan ngayong Undas.
Kabilang sa mga pantalan na saklaw ng implementasyon ang Batangas, Lucena, Balanacan sa Marinduque, at Calapan sa Oriental Mindoro.
Sa pamamagitan ng ORAS, maaaring tingnan ng mga pasahero ang iskedyul ng barko, pumili ng oras ng biyahe, at maglagay ng kinakailangang impormasyon sa online platform sa tatlong hakbang: Scan, Choose, Reserve.
Para sa Undas 2026, magiging valid ang ORAS Pass sa loob ng dalawang oras bago ang nakatakdang biyahe, mula sa dating tatlong oras, kasunod ng mga rekomendasyon at feedback ng mga pasahero.
Inaasahan ng PPA na aabot sa humigit-kumulang 1.93 milyon ang mga pasaherong daraan sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, mas mataas nang 1.55 porsiyento kumpara sa 1.90 milyon na naitala noong nakaraang taon.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakahanda ang ahensya sa inaasahang pagdami ng mga pasahero, bagama’t isinasaalang-alang din nito ang posibleng epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin at gasolina sa bilang ng mga bibiyahe.
Batay sa pagtataya ng PPA, kabilang ang Batangas Port sa mga pantalan na inaasahang magkakaroon ng malaking bilang ng pasahero, na may tinatayang 108,766 na biyahero sa nasabing panahon.
Samantala, unang ipinatupad ang ORAS mula Marso 30 hanggang Abril 8 ngayong taon, sa panahon ng Semana Santa. Batay sa Passenger Statistics Report, 44.6 porsiyento ng mga pasahero ang dumaan sa beripikasyon gamit ang sistema.
Hinikayat ng PPA ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng mga pantalan, at makipag-ugnayan sa kanilang shipping line para sa pinakabagong iskedyul.
Wala namang ibinigay na hiwalay na bilang ng mga pasaherong inaasahan sa mga pantalan ng Romblon sa impormasyong inilabas ng PPA.


























