Hinimok ni dating San Agustin Mayor Denon Madrona ang publiko na huwag ipagpaliban ang pagpapasuri sa doktor upang maagap na matukoy at magamot ang kanser.
Sa kaniyang mensahe sa isang cancer awareness activity sa Alcantara nitong Miyerkules, Oktubre 21, ibinahagi ni Madrona ang karanasan ng kaniyang ina na nagkaroon ng breast cancer at ang sarili niyang diagnosis ng lymphoma noong 2009.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang maagang pagtuklas ng kanser upang agad na masimulan ang angkop na paggamot, lalo na sa kasalukuyan na patuloy nang umuunlad ang mga paraan ng paggagamot sa sakit.
Hinimok din niya ang mga kalalakihan, kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan, na hikayatin ang kanilang mga asawa at babaeng kapamilya na magpatingin agad kapag may napansing kakaibang pagbabago sa kanilang dibdib.
Ayon pa kay Madrona, mahalaga rin ang maagang pagsusuri sa iba pang uri ng kanser, gaya ng prostate cancer sa mga lalaki.
Sa kaniyang mensahe, nagpahayag din siya ng pag-asang patuloy na mapabubuti ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan at kalidad ng pamumuhay ng mga residente sa Romblon.


























