Nangako si Senador Erwin Tulfo ng kahalintulad na pondo at suporta para sa mga kooperatiba sa Romblon at iba pang lalawigan sa MIMAROPA kasunod ng paglalaan ng ₱15 milyon na sustainable livelihood loan para sa Marinduque.
Ayon kay Tulfo, layunin ng programa na mapadali ang pag-access ng mga lehitimong kooperatiba sa abot-kayang pautang at kapital upang mapalago ang kanilang operasyon at makalikha ng mas maraming trabaho.
“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa collateral para sa mga lehitimong kooperatibang nais lumago at makapagbigay ng mas maraming trabaho,” pahayag ng senador.
Bukod sa Marinduque, kabilang sa mga lalawigang inaasahang mabibigyan din ng kahalintulad na suporta ang Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Palawan. Gayunman, walang ibinigay na tiyak na halaga at iskedyul ng pagpapalabas ng pondo para sa mga nasabing lalawigan sa pahayag.
Binigyang-diin din ni Tulfo ang apat na pangunahing hakbang para mapalakas ang sektor ng kooperatiba: pagpapadali ng access sa pautang at kapital, pagsasanay sa digitalization at capacity building, pagpapalawak ng merkado para sa kanilang mga produkto, at pagtiyak na maayos at malinaw ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan.
Ayon sa senador, mahalagang mapalakas ang mga kooperatiba dahil maraming pamilya sa MIMAROPA ang umaasa sa agrikultura, pangingisda, turismo at maliliit na negosyo para sa kanilang kabuhayan.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang delegasyon mula sa Romblon sa pangunguna ni Sangguniang Panlalawigan Member Irene Morgado upang makibahagi sa mga talakayan hinggil sa pagpapalakas ng sektor ng kooperatiba sa rehiyon.


























