Sinimulan na ang paghahanda para sa pagtatayo ng 20 magkakahiwalay na palikuran para sa 20 kabahayan sa Barangay Pangulo, Calatrava, Romblon, sa pamamagitan ng pondong grant mula sa Department of Health (DOH) MIMAROPA Center for Health Development.
Sinundan ito ng groundbreaking ceremony para sa proyekto na bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapabuti ang sanitasyon sa komunidad at maisulong ang ligtas na kapaligiran.
Ayon sa lokal na pamahalaan, inaasahang makatutulong ang pagkakaroon ng maayos na palikuran sa pag-iwas sa mga sakit na may kaugnayan sa hindi ligtas na sanitasyon.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Bong Fabella, sa DOH-MIMAROPA CHD para sa suportang ipinagkaloob sa proyekto.
Bahagi rin ito ng pagsisikap ng bayan na makamit ang Zero Open Defecation (ZOD) sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga residente ng access sa maayos na palikuran.


























