Nagsisikap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon na matulungan ang mahigit 100 pamilyang walang land title sa Capaclan at humigit-kumulang 44 na kabahayang malapit sa Old Provincial Road sa Barangay Bagacay na magkaroon ng kaukulang dokumento ng pagmamay-ari sa kanilang mga tirahan.
Sa flag-raising ceremony sa kapitolyo nitong Oktubre 19, tinalakay ni Gov. Trina Firmalo-Fabic ang kalagayan ng mga pamilyang naninirahan sa likod ng Romblon East Central Elementary School sa Capaclan.
Ayon sa gobernador, tinatayang 50 hanggang 70 taon nang naninirahan sa lugar ang mga pamilya, ngunit wala silang sariling land title dahil nakatalaga sa Department of Education (DepEd) ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa Office of the President at Office of the Executive Secretary at humiling ng pakikipagpulong sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at mga kinatawan ng iba pang kaugnay na tanggapan, upang talakayin ang usapin sa lupa sa Capaclan.
Samantala, gumagawa rin ng paraan ang pamahalaang panlalawigan upang matulungan ang mga nakatira sa humigit-kumulang 44 na kabahayan malapit sa Old Provincial Road sa Barangay Bagacay na magkaroon ng sariling land title.
Patuloy na tinutukoy ng pamahalaang panlalawigan ang mga posibleng hakbang upang matugunan ang usapin sa dokumentasyon ng mga tirahan sa dalawang lugar.


























