Arestado ang isang 42-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sitio Lungaog, Barangay Poblacion, Santa Fe, Romblon, nitong October 20.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Pogi, residente ng Barangay Magsaysay, Santa Fe.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon bandang alas-10:35 ng umaga ng mga tauhan ng Santa Fe Municipal Police Station (MPS) Municipal Drug Enforcement Team (MDET) katuwang ang PDEA Romblon.
Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu sa isang pulis na umakto bilang poseur buyer. Tinatayang may bigat itong 0.34 gramo at nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso.
Nasamsam din umano mula sa suspek ang isa pang sachet na may hinihinalang shabu, na may tinatayang bigat na 0.70 gramo at halagang ₱4,760, isang ₱1,000 bill na ginamit sa operasyon, at isang motorsiklo. Sa kabuuan, tinatayang 1.04 gramo ng hinihinalang shabu.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

























