Pinalawak ng Rural Health Unit (RHU) ng Ferrol ang serbisyong medikal sa bayan sa pamamagitan sa tulong ng bago nitong health center na naglalayong mailapit sa mga residente ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan.
Ayon kay Dr. Renato R. Menrige Jr., municipal health officer ng Ferrol, kabilang sa mga serbisyong makukuha sa pasilidad ang araw-araw na konsultasyong medikal, pharmacy, laboratoryo, at TB-DOTS facility para sa mga pasyenteng nangangailangan ng paggamot sa tuberculosis.
“Sa araw-araw po ay may konsultasyon tayo. May designated area na pharmacy, may laboratory, at may TB-DOTS facility na nangangalaga sa mga may tuberculosis,” ani Menrige.
Inihahanda rin ng RHU ang pagbubukas ng birthing facility o birthing home upang magkaroon ng mas malapit na pasilidad para sa panganganak ng mga buntis sa bayan. Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ang nurse na itatalaga sa Ferrol bago masimulan ang naturang serbisyo.
“Sa ngayon po ay naghihintay na kami ng nurse ng Ferrol para sa birthing facility o birthing home, kung saan maaari na ring manganak ang mga buntis,” dagdag ni Menrige.
Samantala, kasalukuyang inaasikaso ng RHU ang aplikasyon nito sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang maipatupad sa bayan ang mga serbisyong pangkalusugan ng ahensya, kabilang ang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP).
Naupo si Menrige bilang municipal health officer ng Ferrol noong Marso.
Sa pamamagitan ng mga serbisyong ito, layunin ng RHU na mapalawak ang access ng mga residente sa konsultasyon, laboratory testing, pangangalaga sa tuberculosis, at serbisyong pangkalusugan para sa mga ina.

























