Sa panahon ng matinding init, hindi lamang pagpapawis at pagkauhaw ang dapat paghandaan. Maaari ring malagay sa panganib ang kalusugan dahil sa heat stroke, dehydration at iba pang karamdamang maaaring lumala kapag kulang ang tubig at labis ang pagkakalantad sa mataas na temperatura.
Ayon kay Dr. Renato R. Menrige Jr., presidente ng Romblon Medical Society, kabilang sa mga pangunahing panganib na dapat bantayan sa panahon ng Super El Niño ang heat stroke at dehydration. Maaari rin umanong maapektuhan ang mga taong may dati nang karamdaman sa puso at bato dahil sa heat stress.
Heat stroke at dehydration
Nangyayari ang dehydration kapag kulang ang tubig sa katawan. Maaari itong magdulot ng pagkahilo at panghihina, lalo na sa mga taong nagtatrabaho sa ilalim ng araw o hindi regular na umiinom ng tubig.
Samantala, ang heat stroke ay isang seryosong kondisyong kaugnay ng sobrang pag-init ng katawan. Kabilang sa mga palatandaang binanggit ni Menrige ang pagkahilo, pagsusuka, pamumula ng balat, pagkalito at pagkawala ng malay.
Kapag hindi agad natugunan, maaari itong magdulot ng malubhang pinsala sa utak, puso at iba pang mahahalagang bahagi ng katawan.
Iba pang posibleng epekto sa kalusugan
Bukod sa mga sakit na direktang kaugnay ng matinding init, binanggit din ni Menrige ang posibleng problema sa ligtas na suplay ng tubig at sanitasyon. Kapag hindi sapat ang malinis na tubig, mas nagiging mahalaga ang wastong kalinisan upang maiwasan ang mga sakit.
Posible rin umanong magkaroon ng mga problema sa respiratory tract dahil sa mga pagbabago sa kalidad ng hangin. Dagdag pa rito, maaaring makaranas ng heat stress ang mga taong may sakit sa puso at bato, habang maaari ring maapektuhan ang emosyonal na kalagayan ng ilan, kabilang ang pagkabalisa at depresyon.
Sa panayam, binanggit din ng doktor ang sore eyes at bulutong bilang mga sakit na dapat bantayan. Para maiwasan ang sore eyes, pinayuhan niya ang publiko na panatilihin ang kalinisan ng mga kamay at iwasang hawakan o kuskusin ang mga mata gamit ang maruruming kamay.
Paano makaiiwas sa mga sakit na dulot ng init?
Upang mabawasan ang panganib, pinayuhan ni Menrige ang publiko na iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, lalo na mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Kung maaari, manatili sa loob ng bahay o sa isang malamig, malilim, at maaliwalas na lugar. Buksan ang mga bintana at gumamit ng bentilador kung kinakailangan upang mapanatili ang maayos na daloy ng hangin. Pinayuhan din ang publiko na magsuot ng manipis, magaan, at komportableng damit upang makatulong na mapanatiling malamig ang katawan at maiwasan ang sobrang pag-init nito.
Para sa mga magsasaka, mangingisda, construction worker at iba pang kailangang magtrabaho sa labas, mahalagang uminom ng sapat na tubig at huwag hintaying makaramdam ng uhaw bago uminom. Pinayuhan din silang magsuot ng magaan na damit, gumamit ng proteksiyon sa ulo at magpahinga sa lilim kada dalawang oras.
Dapat ding bigyang-pansin ang mga senior citizen at mga taong may dati nang karamdaman dahil mas kailangan nila ng pag-iingat sa panahon ng matinding init.
Sa huli, binigyang-diin ni Menrige ang kahalagahan ng paghahanda at kaalaman ng komunidad. Sa pamamagitan ng wastong pag-iingat, sapat na pag-inom ng tubig at maagang pagkilala sa mga babalang palatandaan, maaaring mabawasan ang panganib ng mga karamdamang dulot ng matinding init.

























