Nagsagawa ang Looc National High School ng programang pangkalusugan sa mata upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa wastong pangangalaga sa paningin at matukoy ang mga nangangailangan ng karagdagang pagsusuri.
Sa ilalim ng programang “See Clearly, Learn Better: A School-Based Eye Health and Vision Awareness Program,” kabilang sa mga benepisyaryo ang mga mag-aaral sa Grade 11 at Grade 12, mga mag-aaral na kabilang sa Special Needs Education (SNED), at mga mag-aaral sa Senior High School Alternative Learning System (ALS).
Iminungkahi ni Catherine Castejon ang programa, na nagtampok ng talakayan tungkol sa kalusugan ng mata na pinangunahan ni Dr. Mary-Joy Ferrer. Tinalakay rito ang wastong pangangalaga sa mata, mga gawi upang mapanatili ang maayos na paningin, at kahalagahan ng pagkonsulta sa mga propesyonal kapag nakararanas ng problema sa paningin.
Sinundan ito ng vision screening at propesyonal na pagsusuri sa mga mag-aaral na nahihirapang makakita. Ang mga nangangailangan ng corrective eyeglasses ay binigyan ng kaukulang tulong batay sa resulta ng kanilang pagsusuri. Nakatanggap din ng libreng eye checkup ang mga guro at non-teaching personnel ng paaralan.
Nagpasalamat ang pamunuan ng paaralan kay Ferrer sa pagbabahagi ng kaniyang kaalaman at pagbibigay ng serbisyong propesyonal. Kinilala rin nito ang suporta nina Principal IV Erwin Marquez, Assistant Principal II Sherwin Fabiala, Values Department Head Teacher VI Maria Teresa Sabigan, SNED Coordinator Arlyn Masajo, at ng working committee.
Layunin ng programa na makatulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa impormasyon at serbisyong may kaugnayan sa kalusugan ng mata.


























