Pinarangalan ng Romblon State University (RSU) ang mga unang nagtapos sa Associate in Agricultural Technology noong 1976 sa pamamagitan ng paggawad ng Handumanan Medal sa seremonyang Pagkilala sa mga Katuwang sa Pag-unlad 2026 noong Oktubre 14.
Isinagawa ang seremonya sa University Quadrangle bilang pagkilala sa 50 taon mula nang magtapos ang mga alumni na kabilang sa pioneer batch ng naturang programa.
Sa 27 miyembro ng batch 1976, walong alumni ang personal na dumalo sa seremonya, habang anim naman ang kinatawan ng kanilang mga pamilya na tumanggap ng medalya sa kanilang ngalan, kabilang ang mga pumanaw nang alumni.
Pinangunahan ang grupo ng kanilang class president na si Reynaldo Farquerabao.
Ayon sa RSU, nagsimula ang unang dalawang-taong programang pangkolehiyo ng institusyon, ang Associate in Agricultural Technology, noong 1974. Nagtapos ang unang batch ng programa noong 1976 at naging bahagi ng kasaysayan ng pamantasan bilang mga pioneer college graduates nito.
Sumisimbolo ang Handumanan Medal sa mga alaala, sakripisyo, tagumpay at ugnayan ng mga alumni sa kanilang alma mater sa loob ng limang dekada.
Dumalo rin sa seremonya si RSU President Dr. Merian Catajay-Mani, kasama sina Vice Presidents Dr. Tomas Faminial, Dr. Emelyn Montoya at Dr. Gianinna Elaine Labicane.


























