Ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang proyektong Livestock Economic Enterprise for Cattle Production sa San Isidro Farmers Association sa Santa Maria, Romblon noong October 13, 2026, na nagkakahalaga ng ₱2.7 milyon.
Katuwang sa proyekto ang Lokal na Pamahalaan ng Santa Maria na naglalayong palakasin ang pag-aalaga ng baka, magbigay ng karagdagang kita at trabaho sa mga magsasaka, at mapataas ang produksyon ng karne sa bayan.
Kabilang sa mga ipinagkaloob na kagamitan at alagang hayop ang 20 heifer o batang babaeng baka, isang bull o lalaking baka, isang forage chopper, at mga kagamitang kailangan sa pagsasaka at pag-aalaga ng hayop.
Ayon sa Santa Maria Public Information Office (PIO), ipinamahagi ang 20 ulo ng baka sa 20 miyembro ng asosasyon upang makatulong sa pagpapalawak ng kanilang kabuhayan.
Inaasahan na sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay magkakaroon ng 20 karagdagang dumalaga na maaaring ipamahagi sa mga susunod na benepisyaryo ng programa.
Layunin din ng proyekto na makabuo ng modelo ng integrasyon ng livestock at corn production, kung saan magagamit ang mga produktong mula sa sakahan bilang suporta sa pag-aalaga ng hayop. Kabilang din sa mga target nito ang paggamit ng mga farm by-product at pagbuo ng napapanatiling suplay ng breeding stocks sa bayan.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng cattle farming sa mga smallholder farmer, pagpapalawak ng oportunidad sa kabuhayan, at pagdaragdag ng lokal na produksyon ng karne sa Santa Maria.


























