Hiniling ni Cajidiocan Mayor Greggy Ramos sa Philippine Statistics Authority (PSA) na pag-aralan ang posibilidad ng paglalabas ng datos ng ekonomiya sa antas ng bawat bayan upang mas maunawaan ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga komunidad sa lalawigan.
Sa ginanap na Provincial Product Accounts (PPA) Dissemination Forum, sinabi ni Ramos na mahalagang magkaroon din ng datos tungkol sa Gross Domestic Product (GDP) o iba pang panukat ng ekonomiya kada bayan, dahil binubuo ang Romblon ng magkakahiwalay na isla na may magkakaibang katangiang pang-ekonomiya.
Binigyang-diin niya na maaaring magkaiba ang mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan at aktibidad pang-ekonomiya sa bawat isla, gaya ng Sibuyan, kaya makatutulong ang mas detalyadong datos sa pagpaplano ng mga programa at proyekto ng mga lokal na pamahalaan.
Bilang tugon, kinilala naman ng PSA ang kahalagahan ng mungkahi, ngunit ipinaliwanag na sa kasalukuyan ay nakatuon ang kanilang pagsukat at paglalabas ng datos ng Provincial Product Accounts sa antas ng lalawigan.
Makakatulong ang mas detalyadong datos pang-ekonomiya upang matukoy ang mga sektor na nangangailangan ng higit na suporta at makabuo ng mga programang naaayon sa partikular na kalagayan ng bawat bayan.
Sa pinakahuling ulat ng PSA Romblon, umakyat ng 3.3 percent ang GDP ng probinsya noong 2025 kumpara noong 2024.


























