Iminungkahi ni Romblon State University (RSU) President Merian Mani na gawing pangunahing sentro ng makabagong teknolohiya at pagsasanay sa agrikultura ang unibersidad upang higit na masuportahan ang mga magsasaka sa lalawigan.
Inihain ni Mani ang mungkahi sa isang press conference kasunod ng paglalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita ng 4.8 porsiyentong pagbaba sa sektor ng agrikultura, paggugubat at pangingisda sa Romblon noong 2025.
Ayon kay Mani, maaaring pag-isahin ang mga programa at mapalakas ang koordinasyon ng RSU, mga Municipal Agriculture Office (MAO) at Provincial Agriculture Office upang magkaroon ng iisang sentro para sa pagsasanay at pagpapalaganap ng mga teknolohiyang pang-agrikultura.
“Bakit hindi natin pag-isahin, buuin si RSU, si MAO, at saka si provincial agriculturist? Pag-isahin natin. Lahat ng technology po sana, ilalagay niyo kay RSU,” ani Mani.
Iminungkahi rin niya na pondohan ang mga pasilidad at kagamitan ng unibersidad upang ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ay magkaroon ng iisang lugar na mapupuntahan para sa kinakailangang pagsasanay.
Ipinaliwanag ni Mani na mas magiging pangmatagalan ang mga programa kung ilalagak ang mga ito sa RSU, na may College of Agriculture and Forestry, sa halip na umasa lamang sa mga programang pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan na maaaring magbago kasabay ng pagpapalit ng mga pinuno.
Sa ilalim ng mungkahi, inaasahang mapadadali ang pag-access ng mga magsasaka sa pagsasanay at makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng mas organisadong ugnayan ng unibersidad, mga tanggapan ng agrikultura sa mga munisipalidad at pamahalaang panlalawigan.


























