Umakyat sa 5.7 percent ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan ng Romblon noong September 2026, mula sa 4.7 percent noong August 2026, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay PSA Romblon Chief Statistical Specialist Johnny Solis, nagpapakita ang pagtaas ng inflation ng patuloy na pagbilis ng pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan.
Malaki ang naging ambag ng food and non-alcoholic beverages sa inflation trend noong September, na nagtala ng 5.4 percent inflation rate at bumuo sa 83 percent ng kabuuang inflation trend.
Kabilang sa mga pangunahing nagtulak sa pagtaas ng presyo ng pagkain ang cereal and cereal products, na nagtala ng 13.8 percent inflation rate, fish and other seafoods na may 5.9 percent, at vegetables, tubers, plantains, cooking bananas and pulses na may 4.3 percent.
Nagtala rin ng 7.3 percent inflation rate ang housing, water, electricity, gas and other fuels, na may 14.5 porsiyentong bahagi sa inflation trend. Kabilang sa iba pang pangkat na nagkaroon ng pagtaas ang alcoholic beverages and tobacco na may 6.2 percent, health na may 2.5 percent, clothing and footwear na may 1.6 percent, personal care and miscellaneous goods and services na may 1.1 percent, at furnishing, household equipment and routine maintenance of the house na may 0.8 percent.
Kung ihahambing naman sa kaparehong buwan noong 2025, malaking pagbabago ang naitala sa inflation rate ng Romblon. Mula sa -1.9 percent noong September 2025, umakyat ito sa 5.7 percent ngayong September 2026.
Ipinapakita ng datos ang mas mabilis na pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan kumpara sa nakaraang taon.


























