Nagbukas ng bagong branch ang Printwise Printing Services sa Poblacion, Odiongan, Romblon ngayong October 15, kasunod ng pagtanggap ng tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Science and Technology (DOST) para sa pagpapalawak at pagpapahusay ng operasyon nito.
Sa ilalim ng DOLE Adjustment Measures Program, pinagkalooban ang Printwise Printing Services ng ₱500,000 grant assistance noong Setyembre 14 sa isinagawang Handog ng Pangulo Serbisyo Fair.
Ayon kay Francis John Mondia ng DOLE Romblon, ginamit ng establisimyento ang pondo sa pagbili ng full sublimation printer at iba pang makinarya upang mapahusay ang kapasidad at produktibidad ng negosyo.
“Layunin din nito na ma-retain ’yung ating mga workers doon sa establishment. This is an indirect help para doon sa ating mga workers,” ani Mondia.
Sa ilalim ng programa, nagbibigay ang DOLE ng grant assistance sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na nangangailangan ng suporta para sa technological advancement, kabilang ang Business Enhancement and Adaptation Program.
Binigyang-diin ni Mondia na hindi pautang ang tulong-pinansyal at hindi ito kailangang bayaran ng mga benepisyaryo, sa halip ay dapat gamitin ang pondo sa pagbili ng mga kagamitang kailangan ng kanilang negosyo.
Dagdag pa niya, inaasahang makatutulong ang mga bagong kagamitan upang mapataas ang produktibidad ng mga manggagawa at mapanatili ang kanilang mga trabaho.
Nakatanggap din ng suporta ang Printwise mula sa DOST Romblon sa pamamagitan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP), na naglalayong tulungan ang mga negosyo na mapahusay ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.


























