Pinaghahandaan na ng Romblon State University (RSU) ang posibleng epekto ng inaasahang Very Strong El Niño, kabilang ang matinding init na maaaring makaapekto sa mga silid-aralan at pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon kay Dr. Tomas Faminal, vice president for administration and finance ng RSU, nagsimula nang magpulong ang academic community kasama ang mga faculty member, dean at mga campus upang talakayin ang mga posibleng hakbang kapag maranasan na ng lalawigan ang epekto ng El Niño.
Sinabi ni Faminal na inaasahang magiging pinakamalala ang kondisyon sa February, kaya pinag-aaralan na ng unibersidad ang mga alternatibong paraan ng pagtuturo, kabilang ang posibleng pagsasagawa ng online classes kung magiging sobrang init sa mga silid-aralan.
Bukod sa El Niño, binibigyang-pansin din ng RSU ang posibleng epekto ng La Niña na maaaring sumunod dito.
Ayon kay Faminal, tinalakay rin ng unibersidad ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang sama-samang mapaghandaan ang mga panganib na maaaring idulot ng pagbabago ng kondisyon ng panahon.
Binanggit din niya ang posibilidad ng pagtatagpo ng mainit na hangin mula sa Pacific at malamig na hanging amihan sa November o December, na ayon sa kanya ay maaaring magdulot ng malakas na bagyo at mga kaugnay na kalamidad.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng RSU ang mga angkop na alternatibo sa pagtuturo at iba pang paghahanda upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon at kaligtasan ng mga estudyante at kawani sa harap ng inaasahang matinding init.


























