Naging pinal na ang hatol ng Korte Suprema laban kina Romblon Vice Mayor Mariano Mateo, dating Romblon Mayor Leo Merida at mga dating konsehal ng bayan matapos nitong tanggihan with finality ang kanilang mga motion for reconsideration kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa isang Resolution na may petsang June 9, 2026, sinabi ng Supreme Court Special Second Division na walang bagong argumentong iniharap ang mga petitioner upang baguhin ang naunang pasya ng Korte.
“The Court resolves to DENY the motions with FINALITY, no substantial argument having been adduced to warrant the reconsideration sought,” ayon sa notice ng Korte Suprema.
Inatasan din ng Korte ang agarang paglalabas ng entry of final judgment, at sinabi na wala nang karagdagang pleadings o motions ang tatanggapin sa naturang mga kaso.
Kabilang din sa mga pinagtibay na nahatulan sina dating Konsehal Melben Mesana, Gerry Mijares, Francisco Mayor, Jr., Chris Mazo, Ramon Magallon, Edler Robis, Rafael Riano, at Bryant Riano dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Si Mateo ay konsehal nang panahong ito.
Kaugnay ito ng pagbili ng pamahalaang bayan ng Romblon ng backhoe loader na nagkakahalaga ng ₱13.95 milyon noong 2005 na isinagawa umano nang walang public bidding. Batay sa naunang desisyon, nagkaroon ng pagbabayad para sa kagamitan bago pa ito tuluyang naihatid sa lokal na pamahalaan.
Sa naunang ruling ng Korte Suprema, pinagtibay nito ang desisyon ng Sandiganbayan na naghatol ng 6-10 taong pagkakakulong sa bawat isa sa mga nahatulan.
Ang pinakahuling resolusyon ay nangangahulugang pinal na ang hatol ng Korte Suprema, matapos tanggihan nang may finality ang kanilang mga mosyon para muling pag-aralan ang kaso.



































Discussion about this post