Naaresto ng magkasanib na operatiba ng Romblon Municipal Police Station (MPS), 4th Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC), at Romblon Maritime Police Station (MARPSTA) ang itinuturing na Rank No. 1 Most Wanted Person sa provincial level sa isang operasyon noong Agosto 20.
Naaresto ang akusado sa Municipal Fish Port sa Barangay Poblacion II, Romblon, Romblon, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Agosto 10, 2026 ni Judge Donna B. Pascual ng Family Court, Fourth Judicial Region.
Nahaharap ang naaresto sa limang bilang ng statutory rape sa ilalim ng Article 266-A(1)(D), kaugnay ng Article 266-B ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353 at Republic Act No. 11648.
Ayon sa pulisya, walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong kinahaharap ng akusado.
Matapos ang pagkakaaresto, ipinaalam sa kanya ang mga kasong kinahaharap at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal bago siya dinala sa kustodiya ng Romblon MPS para sa dokumentasyon at iba pang kaukulang legal na proseso bago iharap sa korte.
Pinuri naman ni Romblon Police Provincial Office Provincial Director PCOL Rexton F. Sawi ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Sawi, patuloy ang kampanya ng Romblon Police Provincial Office laban sa mga wanted person upang matiyak na ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso ay maiharap sa korte at managot sa ilalim ng batas.
Ang naarestong suspek ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa hukuman.



































Discussion about this post