Handa ang Department of Trade and Industry (DTI) Romblon na tumulong sa mga lokal na negosyante at sektoryal na grupo na maaaring maapektuhan ng Super El Niño sa lalawigan.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni DTI Romblon OIC Provincial Director Orville Mallorca na kabilang sa mga hamon na maaaring kaharapin ng business sector ang matinding init at pagbabago ng lagay ng panahon.
“Actually, ‘yung Super El Niño mararamdaman na natin kasi ang Super El Niño extreme siya, ‘di ba? ‘Pag umulan, kahit konting dilim lang, ang lakas ng ulan. Tapos ‘pag uminit naman, sobrang init. So, these are challenges ng ating mga nasa business sector,” ani Mallorca.
Kaugnay nito, nakatutok ang DTI sa pagpapatupad ng mga livelihood program at pangkabuhayang pagsasanay para sa mga sektor na maaaring maapektuhan ng El Niño.
Layunin ng mga programang ito na mabigyan ng karagdagang kasanayan at alternatibong pagkakakitaan ang mga apektadong grupo, kabilang ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Patuloy namang isinasagawa ng DTI Romblon ang mga programa at hakbang para makatulong sa mga lokal na negosyo at sektor habang naghahanda ang lalawigan sa posibleng epekto ng El Niño.


























