Binigyang-diin ni Romblon Governor Trina Fabic ang pangmatagalang impluwensiya ng mga guro sa buhay ng kanilang mga estudyante kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day nitong October 5.
Ayon kay Fabic, hindi lamang mga aralin sa loob ng silid-aralan ang naiiwan sa mga mag-aaral, kundi maging ang mga payo, alaala at karanasang patuloy nilang nadadala kahit matapos ang klase at makapagtapos sa kanilang pag-aaral.
“Ang mga guro ay hindi lamang nagtuturo ng mga leksiyon sa loob ng silid-aralan, kundi nag-iiwan din ng mga mahahalagang payo, magagandang alaala, at saya na bitbit ng mga mag-aaral kahit tapos na ang klase at nagtatapos na ang kanilang pag-aaral,” pahayag ni Fabic.
Sinabi rin ng gobernador na ang oras, tiyaga at dedikasyon ng mga guro ay nagsisilbing inspirasyon sa mga estudyanteng patuloy na nangangarap, natututo at nagsisikap na makamit ang kanilang mga layunin.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot si Fabic ng pagbati at pasasalamat sa mga guro sa buong lalawigan, gayundin ng pagkilala sa kanilang papel sa paghubog sa mga kabataan at sa kinabukasan ng Romblon.


























