Aabot sa 477 lokal na trabaho ang nakatakdang ialok sa Romblon sa gaganaping Independence Day Job Fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA sa Hunyo 12.
Bahagi ito ng kabuuang 2,205 job vacancies na ihahandog ng DOLE MIMAROPA sa rehiyon para mabigyan ng oportunidad sa trabaho ang mga naghahanap ng mapapasukan.
Ayon sa DOLE, isasagawa ang job fair sa Romblon sa Looc Public Plaza at sa Multi-Purpose Building sa Barangay Capaclan sa pakikipagtulungan ng mga lokal na Public Employment Service Office (PESO).
Hinikayat ni DOLE MIMAROPA Technical Support and Services Division Chief Loreta Duenas-Catapang ang mga aplikante na ihanda ang kanilang mga kinakailangang dokumento bago dumalo sa job fair.
Pinayuhan niya ang mga job seeker na magdala ng resume, application letter, at mga sertipiko ng pagsasanay upang mapataas ang kanilang pagkakataong matanggap sa trabaho.
Layunin din ng DOLE na magkaroon ng mga hired-on-the-spot (HOTS) applicants sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan ng mga employer sa mga aplikante sa mismong araw ng job fair.
Bukod sa mga oportunidad sa trabaho, magkakaroon din ng One-Stop Shop na magbibigay ng serbisyo at tulong sa mga first-time job seeker para sa kanilang mga employment requirements.
Ayon kay Catapang, magsasagawa rin ang mga PESO ng assessment para sa mga unang beses na naghahanap ng trabaho upang matukoy ang kanilang kakayahan at kwalipikasyon.
Aniya, ang mga aplikanteng nangangailangan pa ng karagdagang kasanayan ay ire-refer sa mga kaukulang ahensya at institusyon para sa pagsasanay at skills enhancement.
Ang Independence Day Job Fair ay bahagi ng mga aktibidad ng DOLE tuwing pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan upang mapalawak ang access ng mga Pilipino sa mga oportunidad sa trabaho at iba pang serbisyong may kaugnayan sa employment. (with reports from Juanito Joshua G. Sugay III of PIA Oriental Mindoro)



































Discussion about this post