Aabot sa 73 assistive devices ang ipinamahagi sa mga Persons with Disabilities (PWDs) sa bayan ng Romblon noong Oktubre 23 upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gawain at pangangailangan sa paggalaw.
Pinangunahan ng Municipal Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ang pamamahagi sa suporta ni Municipal Mayor Atty. Gerard S. Montojo, gamit ang pondo mula sa Gender and Development (GAD) Fund.
Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang siyam na full-lying wheelchair, walong high-back wheelchair para sa mga nasa hustong gulang, 18 foldable carbon steel wheelchair, 14 egg bed, limang walker, 12 single cane at pitong quad cane.
Sa kabuuan, 35 wheelchair ang ipinamahagi, bukod pa sa mga kagamitang pantulong sa paglalakad at mga egg bed na maaaring gamitin sa pangangalaga sa mga nangangailangan ng karagdagang suporta.
Layunin ng programa na matugunan ang pangangailangan ng mga PWD sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitang makatutulong sa kanilang pagkilos, pag-aalaga at pagsasagawa ng mga pang-araw-araw na aktibidad.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ang pamamahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalawak ang mga serbisyong tumutugon sa karapatan at kapakanan ng mga PWD at makapagtatag ng mas inklusibong komunidad.
Ayon sa lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng mga assistive device, inaasahang magkakaroon ng karagdagang suporta ang mga benepisyaryo alinsunod sa kani-kanilang pangangailangan.
























