Tatlong babae ang inaresto ng mga pulis matapos umanong mahuling naglalaro ng tong-its na may pustang pera sa isang waiting shed sa Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon, hapon ng Linggo, Oktubre 25.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (MPS), dakong alas-5:20 ng hapon nang isagawa ang operasyon sa Sitio Samahan.
Nasamsam sa operasyon ang ₱749 na hinihinalang perang ginamit sa laro, isang set ng baraha, isang puting plastik na upuan, at isang kulay-abuhin at itim na jersey shirt na umano’y ginamit upang takpan ang mga kagamitan sa pagsusugal.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam umano ng mga pulis sa tatlong babae ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Odiongan MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602, na nagtatakda ng mga parusa sa ilegal na pagsusugal, para sa pagsasampa sa tanggapan ng piskalya.
























