Kabuuang 1,687 household sa bayan ng Santa Fe, Romblon ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa isinagawang pamamahagi ng rice assistance mula October 26 hanggang 27.
Pinangunahan ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang pamamahagi kasama si Vice Governor Arming Gutierrez at iba pang opisyal ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Fabic si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang pambansang pamahalaan sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nangangailangan.
Binigyang-diin din niya na mahalagang makarating sa mga benepisyaryo ang mga programa ng pamahalaan, lalo na ang mga tulong na nakababawas sa gastusin ng mga pamilya para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Para sa mga benepisyaryo, malaking ginhawa ang natanggap na bigas sa gitna ng patuloy na gastusin sa pagkain at iba pang pangangailangan sa bahay.
Ayon kay Rodela Timbas, malaking tulong ang bigas para sa kanilang pamilya, lalo na sa mga pamilyang kapos sa kita.
“Malaking tulong po sa amin ang natanggap na bigas, lalo na po sa aming mga mahihirap. Malaking tulong po ito sa aming pamilya at sa aming pang-araw-araw na pangangailangan. Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa tulong na inyong ipinagkaloob,” ani Timbas.
Ibinahagi naman ni Christy Monteveros na malaking bagay ang ayuda para sa kanilang pamilya dahil marami silang magkakasama sa bahay at ang kanyang asawa lamang ang nagtatrabaho para sa kanilang pangangailangan.
“Malaking tulong po ito sa aming pamilya kasi marami po kami sa loob ng bahay, at ang mister ko lang po ang nagtatrabaho para sa amin,” ani Monteveros, na nagpasalamat din kay Marcos sa tulong na natanggap nila.
Ayon naman kay Hermy Fillarca, umaabot lamang ng apat na araw ang kanilang suplay ng bigas dahil sa dami ng magkakasama sa kanilang tahanan. Gayunman, nakatutulong pa rin ang natanggap na bigas upang makatipid sila at magamit ang natitirang pera sa iba pang pangangailangan sa bahay.
Nagpasalamat din si Jomelyn Malacad sa pambansang pamahalaan at kay Fabic dahil sa tulong na nakatutulong umano sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.


























