Pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng San Andres ang mga magulang at tagapag-alaga na huwag payagang magmaneho sa pampublikong kalsada ang kanilang mga menor de edad na anak na walang wastong lisensiya.
Sa paalalang inilabas ng San Andres Public Information Office, binigyang-diin na ang pagmamaneho nang walang sapat na kaalaman sa batas-trapiko at responsableng pagmamaneho ay maaaring magdulot ng aksidente at panganib sa buhay ng mga bata at iba pang gumagamit ng kalsada.
Ayon kay Police Major Nanette H. Pablico, hepe ng San Andres Municipal Police Station, mahalagang maging responsable ang mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak at tiyaking hindi sila magmamaneho ng sasakyang hindi pa nila legal na maaaring imaneho.
Sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, ipinagbabawal ang pagmamaneho ng sasakyang de-motor nang walang wastong lisensiya, maliban sa mga eksepsiyong itinatadhana ng batas.
Samantala, nakasaad sa Article 59(11) ng Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code ang pananagutan ng magulang o guardian na nagpapahintulot o nag-uutos sa isang bata na magmaneho nang walang lisensiya, alinsunod sa mga probisyon ng batas.
Binigyang-diin din sa paalala na hindi sapat ang kakayahang humawak ng manibela o magpaandar ng sasakyan. Mahalaga ang pagsunod sa batas at pag-unawa sa mga panganib sa kalsada upang maiwasan ang mga aksidente at maprotektahan ang buhay ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Inilabas ang paalala kasunod ng aksidente sa San Andres kamakailan na ikinasawi ng isang menor de edad.


























