Lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Rosal (international name: Champi) noong Sabado, Oktubre 24, ngunit inaasahan pa rin ang pag-ulan at malalakas na bugso ng hangin sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Sa huling bulletin ng PAGASA na inilabas alas-4 ng umaga nitong Linggo, Oktubre 25, wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa.
Gayunman, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, Romblon, at Palawan dahil sa epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ). Posible itong magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang panganib na dulot ng masamang panahon.

























