Nagpasalamat ang mga benepisyaryo ng pamamahagi ng bigas sa San Jose, Romblon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tulong na matatanggap ng kanilang mga pamilya, kasabay ng pagbisita ni Assistant Secretary Rea Uy-Epistola ng Office of the Executive Secretary sa bayan nitong Lunes, Oktubre 26.
Kabilang sa mga tumanggap ng bigas sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Distribution ang mga pamilyang kapos sa kita na nagsabing makatutulong ang ayuda upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain at maibsan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Aiza Sombilon, isang maybahay mula sa Barangay Lanas, malaking tulong ang bigas dahil hindi palaging nakapapasok sa trabaho sa pamamangka sa Boracay ang kanyang asawa, lalo na kapag hindi maganda ang panahon.
“Malaking tulong din po kasi makaka-less sa pambili ng bigas,” ani Sombilon, na nagpasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kay Gobernador Trina Firmalo-Fabic sa tulong na matatanggap ng kanilang pamilya.
Nagpasalamat din si Josephine Agustin, isang single mother, dahil napabilang siya sa mga benepisyaryo ng programa.
“Malaking tulong po ito para sa akin na tulad ng single mom. Thank you po kay Pangulong Marcos at kay Madam Trina dahil napili po ako,” ani Agustin.
Samantala, sinabi ni Dennis Lesigues ng Barangay Pinamihagan na makatutulong ang bigas upang madagdagan ang kanilang pagkain, lalo na't ang kanyang kinikita ay nakalaan lamang sa pang-araw-araw na gastusin.
“Malaking bagay po dahil ‘yung kinikita ko lang po ay sapat lang sa gastusin araw-araw. Tapos dumating ‘yung ganyang tulong, yung bigas, ay malaking bagay na sa amin ‘yun,” ani Lesigues, na nagpasalamat din sa Pangulo, gobernador at alkalde ng bayan.
Namahagi ang pamahalaan ng 1,206 sako ng bigas sa mga pamilyang nangangailangan sa San Jose sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Pinangunahan nina Asec. Uy-Epistola at Gobernador Firmalo-Fabic ang pamamahagi. Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga benepisyaryo ay kabilang sa pinakamahihirap na sambahayan sa bayan batay sa 2024 Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority.
Nakatakdang makatanggap ng 10 kilo ng bigas ang bawat kwalipikadong sambahayan sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Sa pagbisita ni Uy-Epistola, binigyang-diin niya ang layunin ng administrasyong Marcos na maihatid ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad, kabilang ang mga nasa malalayong bayan at isla, upang matulungan ang mga pamilyang nangangailangan.


























