Mahalaga ang pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran sa paghikayat ng mas maraming turista sa Looc, Romblon, ayon kay Sangguniang Bayan member Jonathan T. Gaytano, na nagsusulong ng mga hakbang para mapangalagaan ang likas na yaman ng bayan.
Bilang isa sa mga may-ari ng Grotto de Banloc, isa sa mga pasyalan sa Looc, nakikita ni Gaytano ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran sa pagpapanatili ng atraksyon ng mga destinasyon sa mga bisita.
Para sa kanya, mahalagang mapanatiling malinis at maayos ang mga pasyalan upang magkaroon ng magandang karanasan ang mga turista at mahikayat silang bumalik o irekomenda ang lugar sa iba.
Kabilang sa mga hakbang na isinulong ni Gaytano ang panukalang ordinansa noong 2022 na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng single-use plastics at Styrofoam sa Looc. Naipasa ito ng Sangguniang Bayan noong Oktubre 2022 at inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong Disyembre ng parehong taon.
Layunin ng ordinansa na mabawasan ang plastik na basura sa pamamagitan ng paghikayat sa paggamit ng biodegradable, katutubo at reusable na mga lalagyan at pambalot.
Bukod sa pagbabawas ng basura, malakking tulong din ito sa mga gumagawa ng mga bayong dahil nakadagdag ito sa kanilang kita.
Noong 2019, nakipagtulungan din ang Grotto de Banloc sa Energy Development Corporation sa ilalim ng BINHI program para sa pangangalaga ng mga katutubong punong nanganganib nang maubos sa bansa.
Sa panayam ng mga mamamahayag noong Setyembre 24, tinalakay ni Gaytano ang potensiyal ng Looc sa turismo at ang pangangailangang pangalagaan ang mga likas na atraksyon nito.
“Malaki ang potential ng Looc pagdating sa turismo dahil marami tayong natural attractions. Ang kailangan natin ay maipakilala ang mga ito sa mas maraming tao habang sinisiguro na napoprotektahan din natin ang ating mga likas na yaman,” ani Gaytano.
Sa huli, sinabi ni Gaytano na sa patuloy na pag-akit ng mga bisita sa Looc, mahalagang mapanatili ang kalinisan hindi lamang sa mga pribadong pasyalan kundi pati sa mga pampublikong lugar, baybayin at iba pang bahagi ng komunidad.

























