Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Ferrol ang pamamahagi ng ikaapat na tranche ng rice subsidy sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF), na nakatuon sa pagtulong sa mga kwalipikadong pamilya sa Barangay Bunsoran.
Sa Barangay Bunsuran, kabuuang 338 pamilya sa barangay ang nakinabang sa pinakahuling yugto ng pamamahagi, kung saan bawat kwalipikadong pamilya ay nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas.
Sa apat na tranche ng programa, umabot sa kabuuang 40 kilo ng bigas ang natanggap ng bawat benepisyaryong saklaw nito.
Isinagawa ang programa sa pagtutulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Pamahalaang Bayan ng Ferrol at Barangay Local Government Unit ng Bunsoran upang matiyak ang maayos na paghahatid ng tulong sa mga kwalipikadong pamilya.
Sa Ferrol, ipinagkakaloob ang rice subsidy batay sa bawat pamilya, sa halip na bawat sambahayan, alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng programa.
Layunin ng LGSF-funded initiative na makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo, lalo na sa gastusin sa pagkain.
Sa pagsasagawa ng programa, patuloy na nagtutulungan ang pambansa at lokal na pamahalaan upang maihatid ang tulong pinansyal at iba pang pangunahing serbisyo sa mga komunidad.


























