Inanunsyo ni Looc Mayor Lisette Arboleda na pansamantalang ititigil ang biyahe ng M/V Reina Quelita ng Montenegro Shipping Lines sa rutang Malbog–Caticlan–Malbog simula April 16, 2026.
Ayon sa alkalde, nakatanggap siya ng liham mula sa pamunuan ng Montenegro Shipping Lines, Inc. hinggil sa pansamantalang paghinto ng operasyon ng barko.
Nagsimula ang biyahe ng M/V Reina Quelita noong March 5 at unti-unti pa lamang umanong tumataas ang bilang ng pasahero at kargamento.
Sinabi rin ni Arboleda na naapektuhan ang operasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo kasunod ng kaguluhan sa ibang bahagi ng mundo.
Dahil dito, may mga pasaherong nagpaliban ng hindi mahalagang biyahe at may mga naglimit din sa pagtawid ng sasakyan patungo sa isla.
Ayon sa source ng Romblon News Network, kabilang sa mga dahilan ng pansamantalang suspensyon ang kakaunting bilang ng pasahero at ang biglaang pagmahal ng fuel na ginagamit ng mga barko, na nakaapekto sa operasyon ng biyahe sa nasabing ruta.
“Patuloy ang ating dasal na matapos na ang kaguluhan at unti-unting magbalik sa normal ang lahat. Hanggang sa muling pagkikita, Reina Quelita,” ayon sa alkalde.
Sa ngayon, wala pang ibinigay na petsa kung kailan muling babalik ang biyahe ng barko sa nasabing ruta.


































