Umabot sa 1,024 indigent senior citizens mula sa anim na barangay sa Cajidiocan ang nakatanggap ng kanilang social pension sa ikaapat na quarter payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA.
Isinagawa ang pamamahagi sa mga barangay ng Cantagda, Danao, Cambalo, Marigondon, Taguilos at Gutivan sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) Program.
Pinangasiwaan ang payout ng mga kawani ng DSWD Cajidiocan, sa pangunguna ni SWAD Team Leader Abegail F. Fetilo, SWO II, kasama ang iba pang kawani ng ahensiya at si OSCA Head Elna Rey.
Layunin ng programa na magbigay ng karagdagang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong indigent senior citizens para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan at gastusin sa araw-araw.
Patuloy na ipinatutupad ng DSWD ang social pension program bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang masuportahan ang kapakanan ng mga nakatatanda.


























