Dalawang silid-aralan sa Jose M. Solis Elementary School sa Barangay Camandag, Looc, ang nasunog nitong Sabado, October 31.
Ayon kay FO2 Pamella Perez ng Looc Municipal Fire Station, tinatayang 90 metro kuwadrado ng bahagi ng paaralan ang nasunog.
Batay sa tala ng BFP-Looc, natanggap ang ulat tungkol sa sunog dakong alas-2:54 ng hapon at agad nag responde.
Idineklarang fire under control ang sunog alas-3:10 ng hapon bago tuluyang naapula bandang alas-3:18 ng hapon.
Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente.
Nagpasalamat si Looc Mayor Lisette Arboleda dahil walang sinumang nasugatan sa sunog.
Ayon sa BFP, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng sunog at total na halaga ng nasunog dahil patuloy pa itong sumasailalim sa masusing imbestigasyon.

























