Nagsagawa ng benchmarking visit ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa isang Central Materials Recovery Facility (MRF) sa Malolos, Bulacan upang pag-aralan ang operasyon at pasilidad na maaaring maging modelo sa pagtatayo ng katulad na proyekto sa bayan.
Pinangunahan ni Vice Mayor Butchoy Arevalo ang delegasyon kasama sina DOST Romblon Provincial Director Lina Servañez at Engr. Bilshan Servañez, gayundin ang mga kinatawan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), kabilang sina Engr. Bam Inocencio at Engr. Kahlen Montoya, at si Sangguniang Bayan Member Nicky Faderogao.
Ayon kay Arevalo, katuwang ng lokal na pamahalaan ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagsasakatuparan ng isang pasilidad na angkop sa pangangailangan ng Odiongan.
Layunin ng inisyatiba na makabuo ng mas maayos na sistema ng pamamahala ng basura at makatulong sa pagpapanatili ng malinis at malusog na komunidad.


























