Inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang indibidwal dahil sa umano’y ilegal na pangingisda gamit ang compressor sa karagatan malapit sa Isabel Island sa bayan ng Banton noong Marso 2.
Batay sa ulat ng PCG, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Banton sa bahagi ng Isabel Island sa Barangay Libtong matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nagaganap na ilegal na aktibidad sa pangingisda.
Agad na naglunsad ng seaborne patrol ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na aktwal umanong gumagamit ng improvised underwater breathing apparatus habang sakay ng isang hindi rehistradong motor banca.
Ayon sa PCG, ang naturang bangka ay pag-aari umano ng isang residente ng Barangay Lipata sa Buenavista, Marinduque.
Nakumpiska sa operasyon ang motor banca, makina na may nakakabit na compressor tank, mga hose, speargun, at iba pang kagamitang pangisda.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Municipal Ordinance No. 287 na nagbabawal sa paggamit ng compressor sa pangingisda para sa mga sasakyang pandagat na may gross tonnage na tatlong tonelada pababa.
Dinala ang mga naaresto sa tanggapan ng CGSS Banton para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Inaasahang sasampahan sila ng kaso sa Municipal Agriculturist Office ng Banton.


































