Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang walong samahan ng mga magsasaka at irrigators sa Romblon para sa pagkakaloob ng mga makinaryang pansakahan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.
Pinangunahan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), ang paglagda sa kasunduan na naglalayong palawakin ang access ng mga lokal na magsasaka sa makabagong teknolohiyang pansakahan.
Isinagawa noong Nobyembre 10, 2026 ang MOA signing sa tanggapan ng OPAg sa Rizal, Odiongan, Romblon, kung saan lumahok ang anim na samahan na kinabibilangan ng Balogo Farmers Association, Camandag Farmers and Fisherfolk Association, Maghali ARB Farmers Association, Inc., Anahao Farmers Association, Agpudlos Irrigators Association, Inc., at Pandan Irrigators Association.
Nagsagawa rin ng magkahiwalay na paglagda sa kasunduan sa Isla ng Sibuyan para sa Danao Cajidiocan Irrigators Association at PITAC San Fernando Irrigators Association, Inc., na nagdala sa kabuuang walong samahang kabilang sa programa.
Sa pamamagitan ng mga kasunduang ito, inaasahang maipagkakaloob sa mga benepisyaryong samahan ang mga makinaryang makatutulong sa pagpapahusay ng operasyon sa pagsasaka, pagpapababa ng gastos sa produksyon at pangangailangan sa lakas-paggawa, at pagpapataas ng produktibidad ng mga sakahan.
Bahagi ito ng patuloy na pagtutulungan ng PhilMech, Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, mga Pamahalaang Bayan at mga samahan ng mga magsasaka upang isulong ang mekanisasyon at modernisasyon ng industriya ng palay sa lalawigan.
Samantala, tiniyak ng OPAg ang patuloy na suporta nito sa mga programang naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at pagbibigay ng kinakailangang kagamitan sa mga lokal na magsasaka.


























