Kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa mga sinanay ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon sa paghahabi ng kawayan at paggawa ng handicrafts upang magkaroon ng karagdagang oportunidad pangkabuhayan.
May kabuuang 16 na kalahok mula sa iba't ibang barangay ang lumahok sa apat na araw na Bamboo Weaving and Handicraft Development Training na sinimulan noong Nobyembre 16 bilang bahagi ng paghahanda sa pagbubukas ng OTOP Hub Romblon.
Kabilang sa mga kalahok ang mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa Barangay Bagacay, mga weaver mula sa Barangay Alad, at iba pang kalahok mula sa Barangay Lunas, Alad at Bagacay.
Ayon kay Jude Pavillar, Trade and Industry Information Officer ng DTI Romblon Provincial Office, layunin ng pagsasanay na mapaunlad ang kakayahan ng mga kalahok sa paggawa ng mga produktong yari sa kawayan at mapanatili ang tradisyunal na kaalaman sa paghahabi.
Ipinaliwanag din ni Pavillar na hindi lamang para sa OTOP Hub ang pagsasanay dahil may pangangailangan sa merkado para sa mga produktong kawayan, partikular ang bamboo fan o pamaypay. Aniya, hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng produksyon sa Odiongan upang matugunan ang demand para sa naturang produkto.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga may kakayahang gumawa ng bamboo handicrafts upang mapalawak ang produksyon at matugunan ang pangangailangan ng merkado.
Inaasahan ding maipapakita at maibebenta sa OTOP Hub Romblon ang mga produktong likha ng mga lokal na artisan at maliliit na negosyante.


























