Pormal nang naging ika-11 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Timor-Leste, na inaasahang magpapalawak sa oportunidad para sa kalakalan, pamumuhunan at trabaho ng mga Pilipino sa rehiyon.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang tagapangulo ng ASEAN, ang pagbubukas ng ika-49 na ASEAN Summit nitong Linggo, kung saan itinaas ang bagong watawat ng ASEAN bilang pagkilala sa pormal na pagiging bahagi ng Timor-Leste sa samahan.
Naging posible ang pagbabago sa pamamagitan ng Cebu Protocol na pinangunahan ng Pilipinas. Ito ang kauna-unahang pag-amyenda sa ASEAN Charter sa loob ng halos dalawang dekada.
Sa pagpasok ng Timor-Leste bilang bagong miyembro, nadaragdagan ang mga katuwang ng Pilipinas sa pagsusulong ng kalakalan, pamumuhunan at kooperasyong pang-ekonomiya sa Timog-Silangang Asya.
Inaasahang magkakaroon ng mas malawak na oportunidad ang mga negosyante at exporter na Pilipino upang makapasok sa bagong merkado, makapagtatag ng mga business partnership at mapalawak ang kanilang operasyon sa rehiyon.
Maaari ring mapalakas ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi sa mahahalagang sektor tulad ng agrikultura, turismo, imprastraktura, digital technology, enerhiya at serbisyo.
Sa mas malawak na integrasyong pang-ekonomiya, inaasahang mas mapapadali ang pagpasok ng mga produkto at serbisyo sa iba't ibang bansa, gayundin ang pagdaloy ng pamumuhunan at pagpapalawak ng merkado para sa mga negosyo.
Para naman sa mga manggagawa at propesyonal na Pilipino, maaari ring magbukas ang pagiging kasapi ng Timor-Leste ng mga bagong oportunidad sa trabaho, pagpapaunlad ng kasanayan at palitan ng kaalaman at propesyonal na karanasan.
Inaasahang higit pang mapapalakas ng mas malapit na ugnayan ng mga bansang ASEAN ang koneksyon at pagtutulungan sa larangan ng trabaho at paglinang ng mga kakayahan ng kanilang mga mamamayan.


























