Walong samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Magdiwang ang tumanggap ng mga kagamitang pangisdaan sa ilalim ng Phase II ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources–Special Area for Agricultural Development (BFAR-SAAD) Program upang mapalakas ang kanilang kabuhayan at produktibidad.
Isinagawa ang pamamahagi sa pamamagitan ng Food Production and Livelihood (FPL) Interventions bilang bahagi ng patuloy na suporta sa sektor ng pangisdaan sa bayan.
Kabilang sa mga benepisyaryong samahan ang Agutay Fisherfolks Association, El Kapitan Fisherfolks Association, Agsao Fisherfolks Association, Magallanes Fisherfolks Association, Ambulong Fisherfolks Association, Samahan ng Mangingisda ng Ambulong, Brgy. Tampayan Fisherfolks Association, at Agnonoc Fisherfolks Association.
Nakiisa sa aktibidad ang mga kinatawan ng BFAR-SAAD na sina Provincial Fisheries Officer Luisito M. Manes, Community Development Officer Aika Mae D. Silverio, Fishing Regulation Officer Danny Domingo, at Area Coordinator Monette S. Cometa.
Dumalo rin sina Municipal Agriculturist Redentor Altobano at Sangguniang Bayan Member Ken Nepomuceno, chairperson ng Committee on Agriculture, kasama ang mga kinatawan ng mga benepisyaryong samahan at mga lokal na mangingisda.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Magdiwang sa BFAR-SAAD sa patuloy na pagbibigay ng suporta at oportunidad sa mga mangingisda, na inaasahang makatutulong sa pagpapahusay ng kanilang kabuhayan at pagpapatatag ng lokal na sektor ng pangisdaan.
Patuloy namang isinusulong ng LGU Magdiwang ang mga programang naglalayong magbigay ng tulong at oportunidad sa mga mangingisda at iba pang sektor ng komunidad.


























