Nag-aalok ng 100 porsiyentong libreng dialysis treatment ang Aurelia C. Solidum Dialysis Center sa Barangay Doña Juana, San Agustin, upang matulungan ang mga pasyenteng Romblomanon na nangangailangan ng regular na gamutan para sa sakit sa bato.
Sa programang Ulat sa Lalawigan, sinabi ni Denon Madrona, Chief of Staff ni Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, na layunin ng serbisyo na mabigyan ng access sa dialysis treatment ang mga pasyente sa lalawigan nang hindi na kailangang bumiyahe pa sa Maynila para magpagamot.
Ayon kay Madrona, may mga pasyenteng Romblomanon na mas pinipiling magpa-dialysis sa Maynila dahil sa pangambang hindi sila maasikaso nang maayos o magkaroon ng karagdagang gastusin kung sa lalawigan sila magpapagamot.
Ayon kay Madrona, PhilHealth-accredited ang center at sinasagot ng PhilHealth ang bayad para sa dialysis treatment. Aniya, layunin ng pasilidad na maibigay nang libre ang kinakailangang serbisyo sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Katuwang din ng dialysis center ang mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng karagdagang tulong sa mga pasyente, kabilang ang transportasyon sa pamamagitan ng mga ambulansya, pagkain tulad ng lugaw, at iba pang assistance para sa kanila at sa kanilang mga kasama.


























