Pinasalamatan ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang mga konsehal sa buong lalawigan sa pagsuporta sa panukalang batas na naglalayong ibalik sa ilalim ng pamamahala ng Department of Health (DOH) ang Romblon Provincial Hospital (RPH).
Sa kanyang mensahe sa Philippine Councilors League (PCL) Romblon Convention 2026 na ginanap noong Nobyembre 13 sa bayan ng Looc, kinilala ni Madrona ang mga resolusyong ipinasa ng mga Sangguniang Bayan bilang suporta sa kanyang mga panukalang isinusulong sa Kongreso, partikular ang renationalization ng RPH.
Ayon kay Madrona, nakapasa na sa House of Representatives ang panukala at hinihintay na lamang ang pagtalakay nito sa Senado.
Ipinaliwanag niya na kapag naisabatas ang panukala, direktang mapapasailalim sa DOH ang pamamahala at pagpopondo sa ospital, sa halip na manatili sa pangunahing responsibilidad ng Pamahalaang Panlalawigan.
Tinatayang ₱250 milyon hanggang ₱300 milyon umano ang pondong maaaring mapalaya mula sa kasalukuyang gastusin ng lalawigan para sa RPH at mailaan sa pagpapalakas ng iba pang ospital sa Romblon, kabilang ang mga pasilidad na nagsisilbi sa mga residente ng Sibuyan Island at iba pang munisipalidad.
Dumalo sa PCL Convention 2026 ang mga konsehal at alkalde mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan, kasabay ng panunumpa sa tungkulin ng bagong halal na pangulo ng PCL Romblon.


























