Hinimok ang mga kabataan na suriin muna ang katotohanan ng mga impormasyong nakikita at nababasa sa social media bago paniwalaan, komentuhan o ibahagi ang mga ito.
Ang panawagan ay ginawa ni Denon Madrona, Chief of Staff ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, sa programang Ulat sa Lalawigan.
Binigyang-diin ni Madrona ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa mga balitang kumakalat sa mga social media platform, partikular sa Facebook.
“Hindi naman po bawal, hindi naman po masama na mag-comment doon, pero suriin po ninyo mabuti kung itong mga balita na ito ay talagang may katotohanan,” pahayag ni Madrona.
Binanggit din niya na may mga pagkakataong nabibigyan umano ng negatibong kahulugan ang mga positibong gawain ng isang tao dahil sa mga komentong inilalathala ng ibang indibidwal sa social media.
Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na huwag agad magpadala sa mga komentong nababasa online at gamitin ang sariling pagsusuri sa pagtukoy kung makatotohanan ang mga impormasyong kumakalat.
“Ang atin pong nagbabasa ng ating mga Facebook ay kayo na po ang mag-analyze niyan kung bakit po ang isang magandang katotohanan ay nagiging masama pa,” dagdag niya.
Muli ring binigyang-diin ang responsableng paggamit ng social media, kabilang ang pagsusuri sa pinagmulan at katotohanan ng impormasyon bago ito paniwalaan o ibahagi sa iba.


























